LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang mister matapos na pagbabarilin sa harapan ng kanyang 8 taong gulang na anak kamakalawa ng gabi sa Purok 5 , Barangay Morera, Guinobatan, Albay.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Guriba, 41-anyos, may-asawa, dead on arrival sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital.
Pakay naman ng pagtugis ng mga awtoridad ang natukoy na suspek na si Jesus Orogo alyas Ogot, nasa hustong gulang at contractual employee ng Bicol University sa Guinobatan ng lalawigan.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:15 ng gabi habang ang biktima kasama ang 8-anyos nitong anak na lalaki ay naglalakad pauwi sa kanilang tahanan nang masalubong ang suspek. Agad na pinagbabaril ng suspek ang biktima gamit ang cal.45 pistol habang masuwerte namang nakaligtas ang anak nito. Ed Casulla