MANILA, Philippines - Naglunsad na ng air strike operations ang tropa ng militar sa pinagkukutaan ng mga bandidong Abu Sayyaf Group habang nagkaroon din ng sagupaan sa Patikul, Sulu nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Col. Allan Arrojado, Commander ng AFP Joint Task Force Sulu, bandang alas-6:30 ng umaga ng magbagsak ng ilang rounds ng bomba ang MG 520 attack ng helicopter ng Philippine Air Force sa kuta ni Abu Sayyaf Sub Commander Hatib Adjan Sawadjaan sa Brgy. Bungkaung, Patikul, Sulu.
Sinabi ni Arrojado na ang nasabing kampo ni Commander Sawadjaan ay pinagkukutaan ng nasa 150 Abu Sayyaf na responsable sa pagdukot sa bihag na mag-asawang Aleman na sina Stefan Victor Okonek, 71; at Herike Diesen, 55-anyos na pinalaya noong Oktubre 17.
Dahil dito ay naghiwahiwalay ng direksyon sa pagtakas ang mga bandido.
Samantalang habang nagsasagawa ng blocking operations ay nasagupa naman ng tropa ng Army’s 35th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni 1st Lt. Chester Catapang dakong alas-7:20 ng umaga ang papatakas na mga bandido sa nasabing lugar na tinatayang nasa 10 ang bilang.
“We traded fires with them but they scampered away to different directions. There were blood stains along their route of withdrawal,” ayon naman kay Lt. Col. Marces Gayat, Commander ng Army’s 35thh IB.
Ayon naman kay Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP Public Affairs Office , magpapatuloy ang military pressure laban sa mga bandido hanggang sa mapilitan ang mga ito na pakawalan ang nalalabi pang 9 hostages sa lalawigan.
Magugunita na ipinag-utos ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang Jr., ang paglipol sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu na sangkot sa kidnapping for ransom, ambushcades, bombing at pamumugot ng ulo sa mga hostages. Joy Cantos