CAMARINES NORTE, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlo-katao na sinasabing notoryus na drug pusher makaraang masakote sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Sitio Nagit-it, Purok 5 sa Barangay Capacuan, bayan ng Paracale, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Arniel Dating ng Daet Regional Trial Court Branch 41, sinalakay ng pangkat ni P/Insp. Herson Manegdem ang bahay ni Victor Geneblazo sa nasabing barangay. Kasama sa inaresto ang dalawang suspek na sina Lopher Sureta, 37, minero, ng Purok 4, Brgy. Tawig at Rochelle Cabisares, 20, ng Brgy. Tugos. Nakumpiska sa mga suspek ang 22 pirasong plastic sachet ng shabu, cal. 45 pistol at mga bala.