BULACAN, Philippines – Mariing kinondena at ipinasasara ng mga residente ang recycling plant ng bunker fuel ng barko sa Barangay Sta. Rosa I dahil sa patuloy na pagbuga ng maitim na usok na naaapektuhan ang kalusugan ng taumbayan sa apat na barangay sa bayan ng Marilao, Bulacan
Sa petisyon ng mga residente sa pangunguna ni Chairman Valentino “Val” Delos Reyes, inireklamo at ipasara ang RMS Petroleum and Waste Management Corporation na pag-aari ni Ronnie Saquian.
Nakasaad sa petisyon ng mga residente na sinasabing ibinebenta sa merkado ang bunker fuel na nire-cycle kung saan naapektuhan na ang kalusugan ng taumbayan dahil sa nagbubuga ng itim na usok ng nasabing planta simula pa noong 2012.
Gayon pa man, nangako ang may-ari ng planta na gagawan ng kaukulang hakbang ang pagbubuga ng itim na usok subalit may ilang linggo ang nakalipas ay muli itong nagbuga ng maiitim na usok.
Maging ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Marilao ay bantulot na gawan ng kaukulang aksyon ang reklamo ng mga residente.
Nanawagan naman ang mga residente sa pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na aksyunan ang kanilang petisyon kung saan apektado na ang mga Barangay Sta. Rosa II, Prenza I, Prenza II, Lambaki at ang Barangay Patubig.