MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang notoryus na sub-leader ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na sangkot sa Lamitan siege noong 2001 sa isinagawang operasyon sa Barangay Tandung Ahas sa Lamitan City, Basilan kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Isabela City Regional Trial Court ang suspek na si Nasser Usman na tumatayong sub-leader ng Islamic Propagation and Indoctrination sa nabanggit na barangay.
Nabatid na ang suspek ay sangkot din sa 1995 Ipil siege sa Zamboanga Sibugay kung saan nagpanggap na militar ang mga bandido sa pagsalakay at panununog sa nasabing bayan. Sa nasabing Ipil siege ay 53-katao ang napatay, 30-katao ang hinostage habang nilooban din ang mga bangko at mga establisyemento.
Sangkot din ang grupo ni Nasser sa kidnapping noong 2000 kung saan aabot sa 50 guro at mga estudyante ng dalawang eskuwelahan sa Brgy. Tumahubong, Sumisip, Basilan ang binihag ng mga bandido.