MANILA, Philippines – Nakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang babaeng aide ng misis ni Camarines Norte Governor Edgardo “Egay” Tallado matapos ransakin ng mga armadong kalalakihan ang bahay nito sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte kamakalawa.
Sa ulat ng PNP regional Director na si P/Chief Supt. Victor Deona, ang insidente ay ipinaabot sa pulisya ni Atty. Ludivina “Debbie” Francisco, tiyahin ng aide ni Josefina “Josie “ Tallado na si Darleen Mitchell Francisco.
Si Darleen ay kasamang tumakas ng misis ni Gov. Tallado na si Josie nang araw na mawala ang dalawa noong Biyernes (Oct. 17).
Lumitaw na pinasok at niransak ng mga armadong kalalakihan ang bahay ni Darleen sa San Roque Street, Barangay III Poblacion sa nasabing bayan.
Nagkalat ang mga kagamitan sa sahig nang datnan ito ng mga kasambahay ni Francisco habang nakasulat din sa unahang pintuan sa kuwarto ang katagang “Huwag kang uuwi patay ka”.
Una nang nagpatawag ng press conference si Gov. Tallado na sinabing nawawala ang kaniyang misis at aide nitong si Darleen na sinasabing kinidnap.
Gayon pa man, ilang araw matapos ang insidente ay lumutang si Josie at ibinunyag ang pambababae ng gobernador kung saan siya at si Francisco ang pinagbibintangang nasa likod ng pagkalat ng mga larawang hubad ni Gov. Tallado na kayakap ang 24-anyos na kalaguyo nito.
Bukod dito ay may sinasabing kumakalat ding sex video ng gobernador at ng number 2 nito na siyang dahilan kung bakit naglayas si Josie sa matinding takot na mabaril siya ng mister na palaging nakasukbit ang baril sa baywang.