NORTH COTABATO, Philippines – Away-lupa ang isa sa motibo kaya binaril at napatay ang 21-anyos na magsasaka ng sariling pinsan sa Purok Sultan, Barangay Kibudok, bayan ng Matala, North Cotabato kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Chief Insp. Elias Diosma Colonia, hepe ng Matalam PNP ang biktima na si Efren Ampuan habang pinaghahanap naman ang suspek na si Datu Manguda Indao. Ayon kay SPO1 Froilan Gravidez, patungo sa sakahan ang biktima kasama ang kaibigang si Sadam Dilangalin nang harangin at barilin ng suspek. Nagtamo ng dalawang tama ng bala si Ampuan sa kanang balikat at sa itaas na bahagi ng kanang paa habang tumakas naman ang suspek.