Bar owner dinedo ng mag-amang Army
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang 56-anyos na retiradong sundalo at anak nitong Army matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay ang negosyante habang nasugatan naman ang isang pulis sa loob ng videoke bar sa Kilometer 12, Sasa, Davao City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mag-amang suspek na sina ret. 2nd Lt. Rex Veñegas at Private Mark Ryan Veñegas, 37, nakatalaga sa 25th Infantry Battalion ng Army’s 10th Infantry Division.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa pag-aaring videoke bar ng biktimang si Rolando Jumamoy, 42, ng Doña Salud, Sasa dakong alas-11 ng gabi.
Sa imbestigasyon, kinompronta ng matandang Veñegas ang biktima hinggil sa lumang alitan sa pagitan ng mga ito na nauwi sa pamamaril sa bar owner.
Nagkataon namang kumakain sa videoke bar si PO3 Rey Alburo ng Sasa PNP Precinct kaya tinangka nitong disarmahan si Rex at sa pagpapambuno ng mga ito ay tinamaan ng putok ng baril sa kaliwang kamay ang nasabing pulis.
Nagawa namang madisarmahan ng nasabing pulis si Rex pero binaril ito ng anak na si Private Ryan na tinamaan sa dibdib.
Isinugod naman sa San Pedro Hospital ang nasabing pulis na ngayon nasa kritikal na kalagayan.
Samantala, ang negosyanteng si Jumamoy ay idineklara namang patay sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Nasakote ng mga operatiba ng pulisya ang mag-ama na ngayon ay nahaharap sa kasong murder.
- Latest