BULACAN, Philippines - Dahil sa pagkakahawig ng mukha at pangangatawan ay napagkamalan ang 21-anyos na lalaki na kanyang kuya matapos itong pagbabarilin at mapatay ng dalawang di-kilalang lalaki na lumalabas sa labas ng kiskisan ng bigas sa Barangay San Juan, bayan ng Balagtas, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Apat na tama ng bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ng biktimang si Dondon Apuyan ng Northville 6, Barangay Santol sa nabanggit na bayan.
Sa police report na isinumite kay P/Insp. Susan Cullamco, papalabas ng pintuan ng Andres Rice Mill ang biktima para maghapunan nang lapitan at ratratin ng gunmen bandang alas-8:30 ng gabi.
Napag-alamang bago maganap ang krimen ay namataan ang dalawang di-kilalang lalaki sa gate ng nasabing rice mill kung saan hinahanap si Crisanto Apuyan na sinasabing nakatatandang utol ng biktima.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay lumabas ang biktima para maghapunan kung saan sa pag-aakalang si Crisanto ay hinarang at pinutukan ng ilang ulit.
Lumilitaw na may malaking halaga na pagkakautang si Crisanto sa ilang dealer ng bigas na hindi nababayaran kaya napagkamalan ang biktimang kamukha ng kanyang kuya.