CAVITE, Philippines – Bulagta ang apat na miyembro ng notoryus na highway robbery gang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya kahapon ng tanghali sa Barangay Luksuhin, bayan ng Silang, Cavite.
Kasalukuyang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng apat na hijackers na napatay sa engkuwentro habang pinaghahanap naman ang isa pang kasabwat sa krimen.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt Joselito Esquievel, Cavite PNP director, hinaydyak ng limang armadong lalaki na lulan ng Toyota Avanza (XTC 386) ang aluminum van (PQS 342) na kargado ng kahung-kahong sigarilyo.
Iginapos ang driver at pahinante saka ipinasok sa loob ng van pagsapit sa isang subdibisyon sa Barangay Maguyam sa nabanggit na bayan.
Namataan naman ng isang concerned citizen ang insidente kaya ipinaabot sa himpilan ng pulisya kung saan nagkahabulan hanggang sa humantong sa shootout.
Tumagal ng ilang minuto ang putukan hanggang sa bumulagta ang apat habang sugatan naman ang isa sa mga operatiba ng pulisya na si PO1 Ruben Cruzada na tinamaan sa hita at paa.
Narekober sa mga napatay ang isang shotgun, Carbine, cal. 45 pistol, cal. 38 revolver at ang sasakyang ginamit ng apat kung saan nailigtas naman ang driver at dalawang pahinante mula sa loob ng van.