QUEZON, Philippines – Patay ang 31-anyos na construction worker matapos itong matabunan ng lupa na gumuho sa construction site sa Barangay Rosario, bayan ng Gumaca, Quezon, kamakalawa ng umaga. Idineklarang patay sa Gumaca District Hospital ang biktimang si Michael John Coyoga, 31, nakatira sa bayan ng Montalban, Rizal at kawani ng Jofel Lagramado Construction Company. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente habang nagkakabit ng bakal ang biktima sa hinuhukay na gusali kung saan gumuho ang toneladang lupa na nasa gilid ng construction site. Mabilis namang hinukay ng mga kasamahan para maiahon ang biktima subalit namatay din. Pinag-aaralan na ng pulisya kung sasampahan ng kaukulang kaso ang may-ari ng gusali at ang kumpanyang pinaglilingkuran ng biktima.