MANILA, Philippines - Patay ang isang lolong dumaranas ng ‘nervous breakdown’ matapos nitong silaban ang sarili sa loob ng kanilang tahanan na naabo rin sa insidente sa Brgy. Rizal, Sominot, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Nemesio Albaira, 68-anyos na halos nasunog ang kalahating bahagi ng katawan na siyang kumitil sa buhay nito.
Samantala, natupok din ang tahanan ng matanda na gawa sa mahinang uri ng materyales sa insidente.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)9, bandang alas-9 ng umaga nang magpaalam ang asawa ng biktima na si Virginia Albaira, 57-anyos na magtutungo sa kabayanan upang mag-withdraw ng pera mula sa 4 P’s na programa para sa mahihirap ng pamahalaan.
Bago umalis si Virginia ay sinabi pa umano ng nasabing mister na magpapakamatay na siya at ayaw niyang madamay ang kanyang asawa na inisip naman ng ginang na isa lamang itong biro kung saan laking gulat nito nang madatnan ang naabong tahanan at bangkay ng biktima.
Samantala, nasa 13 rin bahay ang naabo sa nasunog na mga kabahayan sa Brgy. Biswangan, Lakewood, Zamboanga del Sur bandang alas-8:50 ng umaga kamakalawa.
Ayon sa mga arson investigators, umaabot sa P1M ang napinsala sa sunog na nag-umpisa sa boarding house ni Ronaldo Ceno habang nasugatan sa insidente ang sibilyang si Noel Lastimado.