Oil mill pinasabugan ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Niyanig ng malakas na pagsabog na hinihinalang kagagawan ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang entrance gate ng isang oil mill sa Brgy. Sunrise, Isabela City, Basilan nitong Biyernes ng madaling araw. Ang insidente ay panibagong pagpapasabog ng eksplosibo na kinasangkutan ng mga bandido umpisa pa nitong mga nakaraang linggo. Sa ulat ng Isabela City Police, dakong alas-10:45 ng umaga nang sumambulat ang eksplosibo sa entrance gate ng staff house ng Cargill Oil Mill, Philippines na matatagpuan sa Valderosa St. Brgy. Sunrise ng lungsod na ito. Ang insidente ay lumikha ng malaking bitak sa gate post ng naturang oil mill bagaman wala namang naiulat na nasugatan sa insidente. Sa imbestigasyon, isang lalaki ang bumaba mula sa kulay berdeng Toyota Hilux at nag-iwan ng bayong kung saan ilang saglit pa ay biglang sumabog ang eksplosibo. Ayon sa mga awtoridad, extortion ang motibo ng insidente matapos na makatanggap ng text message si Gaspar Katipunan, Branch Manager ng Cargill Oil Mill mula sa mga bandido na humihingi ng P 50,000.00 protection money at kung hindi ay isasabotahe ang kanilang negosyo. (Joy Cantos)
- Latest