2-anyos na lalaki may fetus sa tiyan

File Photo

MANILA, Philippines - Palaisipan sa mga residente ng Western Visayas ang nadiskubreng buhay na fetus sa tiyan ang 2-anyos na totoy sa bayan ng Pandan, Antique.

Sa radio interview, sinabi ni SPO1 Julian Rioja, nakatakdang sumailalim sa ope­rasyon ang kaniyang anak na si Julian Conrado Rioja sa Western Visayas State University Hospital sa Iloilo City sa Oktubre 20 upang tanggalin ang fetus sa tiyan ng bata.

Nabatid na 4-buwang gulang na sanggol pa lamang ang anak ni SPO1 Rioja noong Marso 2013 ay napansin na nila na may kakaibang umbok sa tiyan ng bata kaya isinailalim ito sa CT scan kung saan natuklasan ang 8cm na fetus.

Muling ipinasuri ni SPO1 Rioja ang anak sa University Hospital sa Iloilo City pero pareho ang resulta kung saan ilang beses din nilang ipinagamot sa albularyo pero hindi ito gumaling.

Sa paliwanag ni Dr. Florentino Alerta,  hindi ito pangkaraniwang kaso ng bata na isang uri ng abnormalidad at bibihira lamang o nag-iisa sa 500,000 bilang ng mga sanggol na ipinapanganak.

“It is now considered a tumor,” ani Alerta kung saan binanggit nito na may ganito na ring kaso ang na-diagnosed sa Baguio City noong Agosto 2007 na ang tinutukoy ay ang batang si Eljie Millapanes.

Sa kasalukuyan, ayon sa mga doktor na sumusuri, maituturing na buhay ang fetus sa katawan ng bata dahil patuloy itong lumalaki bagaman mabagal.

 

Show comments