CEBU, Philippines – Aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang tatlong klasrum ng Daanlungsod Elementary School sa bayan ng Medellin, Cebu kamakalawa ng hapon. Ayon kay SPO1 Jovito Aballe, desk officer ng Medellin PNP, bandang ala-una ng hapon nang makatanggap sila ng fire alarm mula sa Medellin Fire Station sa pangunguna ni Fire Officer Alex Larrobis. Kaagad naman rumesponde ang mga bombero subalit nilamon na ng apoy ang tatlong klasrum ng nasabing paaralan na sinasabing itinayo noong administrasyon ni ex-President Ferdinand Marcos. Nabatid sa ilang saksi na nagsimula ang apoy sa klasrum ng Grade 6. Wala namang nasugatan sa naganap na insidente dahil walang pasok ang mga estudyante.