P1.7-B inutang ng Bulacan, nasaan?

BULACAN, Philippines - Pinalalantad ng grupong Bantay Kaban ng Bayan ( BKB) ang inutang sa banko na pag-aari ng gobyerno na P1.7 bilyon na inilaan sa pagpapagawa ng 12 paaralan sa Bulacan noong 2011.

Base sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang pagpapatayo ng 15 eskuwelahan ay nakatakda sa Annual Procurement Plan na pinondohan ng P62.1 milyon.

Gayon pa man, pinuna ng BKB na hanggang sa  ngayon, walang malinaw na ulat ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Governor Willy Alvarado kung saan napunta ang inutang na P1.7 bilyon.

Nauna nang hiniling ni 2nd District Board Member Ramon Posadas ang ulat  kaugnay sa pinaggastuhang proyekto ng nasabing halaga na sinasabing inutang sa banko.

Sa 2013 COA Audit Report, natuklasan na hindi malinaw ang kasunduan ng banko at pamahalaang panlalawigan ng Bulacan kaugnay sa nasabing halaga kung saan hindi isinaalang-alang ang term of office ni Gov. Alvarado sa pangungutang.

Pinasusumite rin ng COA sa pamahalaang panlalawigan ang mga dokumento na may kinalaman sa P1.7-B loan upang mabigyan ng linaw ang mga ito.

“Karapatan naming matiyak na sa mga proyekto at programang makatutulong sa mga taga-Bulacan mapupunta ang perang iyon, at hindi sa bulsa ng mga corrupt na opisyal o kawani ng lalawigan,” ayon sa BKB.

Idinagdag pa ng BKB na kung walang dapat itago o katakutan ang mga lokal na opisyal sa inutang na P1.7 bilyon, wala ring dahilan para hindi nila agad maipaliwanag ang ginastuhan.

 

Show comments