LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Patay ang mag-utol na babae’t lalaki habang sugatan naman ang mga pasahero makaraang tumagilid ang pampasaherong bus saka sumalpok sa pader ng bahay sa gilid ng highway sa Barangay Kimantong, bayan ng Daraga, Albay kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga namatay na sina Ryan Percival Abrigo, 8; Grace Ann Percival Abrigo, 4, Maria Georgina Abrigo, 7; at si Princess Dichoso, 26, 2-buwang buntis, mga nakatira sa Barangay Salvacion, bayan ng Pilar, Sorsogon. Naisugod naman sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang 31 pasahero na karamihan ay nasa malubhang nasugatan.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Joel Adan, hepe ng Daraga PNP, naganap ang trahedya pagsapit sa kurbada at pababang kalsada kung saan nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Rommel San Buenaventura ng Dondon Bus Liner na may temporary plate #052410.
Patungong Legazpi City, Albay mula sa Sorsogon ang nasabing bus nang tumagilid sa gilid ng kalsada habang patuloy naman ang pagsisiyasat ng pulisya.