BULACAN, Philippines - Arestado ang mag-asawang lider ng rebeldeng New People’s Army sa inilatag na operasyon sa bayan ng Arayat, Pampanga kamakalawa ng hapon.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Agaton Topacio, 63; at Eugenia Topacio, 64, kapwa nakatira sa Barangay San Antonio, bayan ng Mexico, Pampanga.
Si Agaton ay gumagamit ng mga alyas na Ka Tony, Ka Eli, Ka Cosme, Ka Boy habang si Eugenia naman ay may mga alyas Ka Lourdes Quioc, Ka Deck, Ka Ana, Ka Bes, Ka Leny, at Ka Wilma.
Ang mag-asawa na isinailalim sa dalawang linggong pagmamatyag ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Victoria Villalon-Fornillos ng Malolos City Regional Trial Court Branch 10 sa mga kasong murder at walang inirekomendang piyansa.
Sa tala ng pulisya, ang dalawa ay sinasabing nasa likod ng pagpatay kina ex-Rep. Rodolfo Aguinaldo ng Cagayan; Romulo “Ka Rolly” Kintanar, Felimon “Ka Popoy “ Lagman, Arturo Tabara at ang pagsunog sa 12 Victory Liner Bus Inc. noong Sept. 2011.