MANILA, Philippines - Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ilocos Provincial Police Office ang may bultu-bultong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.5 milyong halaga mula sa arestadong mag-tiyo sa Tagudin, Ilocos Sur.
Ayon sa PDEA, ang mga suspek ay nakilalang sina Antonio Ugay, Jr., 37-anyos at Genarro Talino, 69-anyos, pawang taga Quezon City.
Bago nahuli ang mga suspek, may tatlong buwan umano silang tiniktikan ng PDEA operatives makaraang malaman na ang mga suspek ang supplier ng ilegal na droga sa La Union, Pangasinan at sa Baguio City.
Sinasabing nagkakahalaga ng P7,000 hanggang P10,000 ang presyo ng kada kilo ang naibebentang shabu ng mag-tiyo.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang M-16 armalite rifle bukod sa naturang illegal na droga
Takdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Drugs Law ang naturang mga suspek.(Angie dela Cruz)