MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang tatlong miyembro ng isang pamilya habang masuwerteng nakaligtas ang anak ng isa pang mag-asawa sa landslide sa Brgy. Sinuda, Kitaotao, Bukidnon kamakalawa.
Ayon kay Chief Inspector Jiselle Longgakit, Spokesperson ng Bukidnon Police, kabilang sa mga biktima ay ang padre de pamilya, ina at isang batang anak mula sa pamilya Unsay.
“Sketchy pa lang yung report samin nun brgy. kagawad, masyado malayo yun area, nagpunta na dun yun search and retrieval team,” ani Longgakit.
Ang nasabing lugar ay tinatayang nasa 100 kilometro ang layo o maihahambing sa dalawang araw na paglalakad bago makarating sa sentrong bahagi ng bayan ng Kitaotao.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, mahimbing na natutulog ang mag-anak sa loob ng kanilang tahanan sa paanan ng bundok sa pagitan ng alas-7 at alas-8 ng gabi nang dumaluhong ang lupa mula sa liblib at malayong bulubunduking barangay sa bayan ng Kitaotao.
Masuwerte namang nakaligtas sa insidente ang isang batang anak ng mag-asawa pero hindi pa ito makausap dahilan sa tindi ng trauma na patuloy pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Ang landslide ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar umpisa pa nitong mga nakalipas na araw. (Joy Cantos)