Bangka lumubog: 53 katao nasagip

MANILA, Philippines - Limampu’t tatlong (53) pasahero at tripulante ang nasagip  ng mga elemento ng Philippine Navy makaraang lumubog ang isang pampasaherong bangka nang balyahin ng malakas na alon na dulot ng habagat sa  karagatan ng Lauis Ledge, Talisay, Cebu kamakalawa.

Ayon kay Philippine Navy Public Affairs Officer Lt. Commander Marineth Domingo, dakong alas-3:20 ng hapon nitong Biyernes nakatanggap ng distress call ang Naval Forces Central na nakabase sa Naval Base  Rafael Ramos, Brgy. Looc, Lapu-Lapu City hinggil sa lumulubog na bangka sa lugar.

Ang insidente ay sa gitna ng malalakas na pagbalya ng alon at pagbuhos ng ulan na dulot ng masamang panahon sa pananalasa ng habagat sa Central Visayas partikular na sa Cebu.

Agad namang nagresponde ang mga elemento ng Philippine Navy para iligtas ang mga pasahero at tripulante nang lumubog na M/B Cruiser Sam and Shorty.

Nabatid na ang nasabing pampasaherong bangka ay galing sa Pasil Wharf sa Cebu City at patungong Clarin, Bohol ng mangyari ang paglubog nito sa bahagi ng naturang karagatan.

Kabilang sa mga nailigtas ay 32 lalaki, 14 babae, apat na batang lalaki at tatlong batang lalaki.

“At around 4 o’clock in the morning (Saturday), the PN personnel were able to rescue a total of 53 individuals from M/B Cruiser Sam and Shorty”, pahayag ni Domingo. (Joy Cantos)

 

Show comments