MANILA, Philippines - Sinunog ng mga pinaghihinalaang armadong miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang dalawang heavy equipments ng isang construction company sa River Bank ng Brgy. Ariendo, Bongabon, Nueva Ecija, kamakalawa.
Sa ulat ni Major Gen. Glorioso Miranda, Commander ng Army’s 7th Infantry Division, dakong alas-3:55 ng hapon ng maitala ang panununog ng mga rebelde sa mga heavy equipments ng ICR Construction sa nasabing lugar.
Ang insidente ay inireport ng negosyanteng si Israel Reguyal, may-ari ng ICR Construction sa himpilan ng Army’s 703rd Infantry Brigade sa Bongabon, Nueva Ecija.
Kabilang sa mga sinunog ng mga rebelde ay isang Komatzu WA 300 loader at TCM Michigan 75 B payloader na sinabotahe ng mga umatakeng rebelde sa quarry site.
Sa salaysay ni Reguyal, wala umanong nagawa ang kaniyang mga operator matapos na tutukan ng baril ng mga rebeldeng armado ng M-653 rifles at cal. 45 pistol kung saan agad binuhusan ng mga ito ng gasolina ang mga heavy equipments saka sinilaban.
Ang mga rebelde ay mabilis na nagsitakas matapos sunugin ang naturang mga heavy equipments.
Ayon sa opisyal, pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng mga rebelde sa isinagawa ng mga itong panununog.