BULACAN, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang 24-anyos na Chinese trader matapos na barilin ng isa sa dalawang gunmen habang nagbubukas ng kanyang hardware store sa Barangay Bancal, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng umaga. Kasalukuyan inoobserbahan sa Meycauayan Doctor’s Hospital ang biktimang si Hongdon Lin’y Deng, may-ari ng HD Hardware and Construction Supply at nakatira sa MacArthur Highway sa nasabing barangay. Sa imbestigasyon ni PO3 Allan Lampano, lumilitaw na binubuksan ng biktima ang pag-aaring hardware store nang lapitan at barilin sa mukha. Pinaniniwalaang may kaugnayan sa negosyo ng biktima ang naganap na pamamaril.