MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang kumpirmadong nalunod habang tatlo naman ang nawawala makaraang lumubog ang M/V Maharlika II RORO sa karagatang sakop ng Panaon Island sa Southern Leyte noong Sabado ng gabi, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nabatid na patungong Lipata Port, Surigao City ang barkong Maharlika II nang magkaaberya ang makina at lumubog pagsapit sa karagatang sakop ng Binit Point sa Panaon Island, Southern Leyte noong Sabado ng gabi.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng tatlong nalunod habang nailigtas naman ang mga pasahero matapos rumesponde ang M/V Lara Ventures, M/T St. Martin at M/V Maharlika 4.
Sa pahayag ng kapitan sa Phil Coast Guard, aabot sa 116-katao ang sakay ng Maharlika II kung saan salungat sa naunang ulat na aabot sa 84 pasahero ang naitala sa manipesto.
Napag-alamang lumubog ang nasabing barko makaraang balyahin ng malakas na alon at hanging dulot ng paparating na bagyong Luis.
Samantala, Lumubog naman ang bangkang de-motor na Lolita Concepcion na may 12 pasahero na patungong Ubay, Bohol mula sa bayan ng Bato, Leyte.
Nailigtas naman ang mga pasahero nito kahapon sa Pitogo, Bohol.
Lumubog din ang isa pang bangkang de-motor na may lulang 10-pasahero matapos balyahin ng malakas na alon sa karagatang sakop ng Carlos P. Garcia Island. Dagdag na ulat ng Freeman News Service