MANILA, Philippines - Isang empleyado ng Hall of Justice ang nasawi makaraan itong pagsasaksakin ng mga armadong kalalakihan na nangholdap sa sinasakyan nitong pampasaherong van sa Brgy. Sta. Maria, Trento, Agusan del Sur kamakalawa.
Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang si Rey Plaza, nasa hustong gulang, May asawa sa tinamong mga saksak sa iba’tibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Supt. Romaldo Bayting, Spokesman ng CARAGA Police, naganap ang insidente habang sakay ang biktima ng pampasaherong kulay abong MB 100 Mercedez Bens van (UUS 189) na minamaneho ni Nielson Escudero.
Ayon kay Bayting ang pampasaherong van ay may lulang 12 katao kabilang ang biktima ay galing Davao City at patungong Bislig City, Surigao del Sur nang holdapin ng tatlong armadong holdaper na nagpanggap na pasahero pagsapit sa KM27, Brgy. Sta Maria, Trento ng lalawigang ito dakong alas-4 ng madaling araw.
Nanlaban naman ang biktima habang tinututukan ng mga holdaper kaya nairita ang mga suspek at pinagtulungan itong saksakin saka tinangay ang dala nitong P15,000.00 cash, Nokia at Samsung cell phone saka isinunod limasin ang sa iba pang mga pasahero.
Nagawa namang maharang ni Sgt. Oliver Flores ng 7th Special Forces Company ang isa sa mga suspek na kinilalang si Louiejay Pejano, 30 anyos matapos itong maradyuhan ng Trento Police sa checkpoint sa San Jose Patrol Base.