MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit P7 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad kasunod sa pagkakadakip sa apat na pinaghihinalaang Chinese big time drug trafficker sa isinagawang raid sa laboratoryo at bodega ng mga ito sa San Fernando City, Pampanga nitong Biyernes.
Sinabi ni Chief Inspector Roque Merdeguia, PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF), sa bisa ng warrant of arrest ay magkakasunod na sinalakay ng kanilang mga operatiba katuwang ang PDEA ang laboratoryo at bodega ng shabu sa lungsod.
Nahuli sa akto sa loob ng laboratoryo sa Greenville Subdivision ang tatlong Chinese nationals na sina Jason Lee, Neri Tan at Willy Yap. Nakuha sa loob ng laboratoryo sa truck at Montero ng mga ito ang 185 kilo ng shabu at 925 namang kilo ng ephedrine na pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu.
Samantalang nahuli naman sa Richtown Subdivision si Ying Ying Hiang, alyas Sophia Lee na nakuhanan naman sa bodega ng karagdagang humigit kumulang na 200 pang kilo ng shabu. Idinagdag pa ng opisyal na nakumpiska rin ang mga kagamitan sa pagmamanupaktura ng illegal na droga sa raid.
Nabatid na ang mga suspect ay pawang mula sa Xiamen, China na nag-o-operate sa bansa na base sa impormasyon ay mga miyembro ng big time ‘Chua drug syndicate’.
Sinabi ng opisyal na walang kamalay-malay ang mga residente sa pagmamanupaktura ng droga ng mga dayuhang suspek sa kanilang lugar.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 ang mga nasakoteng drug trafficker na isinasailalim pa sa interogasyon ng mga awtoridad sa PNP-AID-SOTF sa Camp Crame.