MANILA, Philippines — Nagbabala si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga pulis na ginagamit ang kapangyarihan upang gumawa ng krimen.
Sinabi ni Duterte sa video na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Davao City na papatayin niya ang mga pulis na gumagawa ng kalokohan sa kanyang lungsod.
"Dito sa Davao, iba ang istorya dito. 'Wag ka mag-hulidap-hulidap dito, patayin kita. I'll shoot you. Ang pulis na mag-hulidap dito, barilin kita. Do not do it in my city," matapang na pahayag ni Duterte.
BASAHIN: Duterte tinanggihan si Miriam sa 2016
Napag-usapan ang isyu ng hulidap matapos masangkot ang 12 pulis sa kidnapping sa lungsod ng Mandaluyong, kung saan kumita umano ang mga ito ng P12 milyon.
"For respect sa mga mayors doon, I cannot be judgmental. I can only say ... for the Philippine National Police to raise the vigilance now because crime is in the upsurge," komento ng alkalde.
Binalaan din niya ang mga hindi tapat na pulis na huwag magpatalaga sa Davao City.
"Ilan ba ang syudad sa Pilipinas, 72? Mamili ka ng syudad na assignment mo, 'wag lang dito sa Davao, kasi kung dito sa Davao, putang ina patayin talaga kita," sabi ni Duterte.
Aniya kilala ang mga pulis Davao na matitino at hindi gumagawa ng kalokohan, maliban na lamang sa ilan.
"Ang pulis sa Davao, matino, except for rare instances na involved sa kidnapping, droga, e namamatay naman sila.
Dahil sa kanyang matapang na pananalita ay ilang beses nang nakabangga ng alkalde ang Commission on Human Rights at iba pang grupong nagsusulong ng karapatang pantao.
"Sabihin mo 'yan sa human rights, para sabihin ng Human Rights doon sa pulis, 'wag kayong gumawa ng masama doon kasi barilin kayo ni Duterte," wika niya.
"Hindi yung human rights na sabihin sa'kin na masama din [and] nasabi ko, kasi tama yung sinasabi ko. Ang dapat magpa-seminar sila, sabihin nila, 'Hoy, pulis, 'wag kayo magpa-hulidap sa Davao, 'wag kayo sa droga, kasi papatayin talaga kayo nung mayor doon, and it has happened and it will happen again."