PAGBILAO, Quezon, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang mag-ama ang namatay habang aabot naman sa 40 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa malalim na bangin sa Sitio Sapinit, Barangay Silangang Malicboy sa bayan ng Pagbilao, Quezon kahapon ng madaling araw.
Base sa ulat ni P/Chief Insp. Jon Von Nuyda, hepe ng Pagbilao PNP, kinilala ang mag-ama na sina Nestor Vendivel Sr.,62; anak na si Nestor Vendivel Jr., 18, kapwa nakatira sa Masbate; at si Renan Destacamento, 34, collector sa isang kompanya sa Quezon City.
Naisugod naman sa Jane County Hospital ang 20-sugatang pasahero habang ang iba pang 18 ay dinala sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3:15 ng madaling araw ay lulan ng Raymund Bus (EVR-404) na minamaneho ni Claudio Dado kung saan patungo sa Metro Manila mula sa Masbate.
Gayon pa man, pagsapit sa kurbadang bahagi ng New Zigzag Road ay sinasabing nailang ang driver ng bus sa kasalubong na trak kaya kinabig nito ang manibela para iwasang masagi.
Subalit hindi kumagat ang preno dahil sa madulas na kalsada kung saan tuluyang sumalpok sa bakod ng DPWH sa gilid ng highway at tuluyang nahulog sa bangin na may lalim na 100-metro.
Nahirapan ang mga rescue team ng BFP at PNP na maiahon ang mga naipit na katawan ng mga biktima dahil sa dulas ng lupa bunsod ng ulan.
Bagamat sugatan ay inirekomenda naman ng pulisya na sampahan ng kaso ang drayber ng nasabing bus.