Pangulo ng Muslim Vendors Association, itinumba

BATANGAS, Philippines – Patay ang 32-anyos na presidente ng Muslim Vendors Association matapos tamba­ngan ng riding-in-tandem sa Tanauan City kahapon ng umaga.

 Kinilala ni Superintendent Chris Olazo, hepe ng Tanauan City PNP ang biktimang si Omar Sarip, residente ng Brgy. Sambat, Tanauan City, Batangas.

Ayon sa report, magbubukas na sana ng kanyang tindahan ang biktima sa Brgy. Poblacion 7 nang lapitan ito ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo bandang alas-6:10 ng umaga.

Ilang saglit pa, pinagbabaril ng mga suspek si Sarip gamit ang calibre 45 baril.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara na itong patay dahil sa mga tinamong mga tama ng bala sa kanyang ulo at dibdib.

 Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo at kung sino ang nasa likod ng krimen at pagtugis sa mga ito.

Show comments