MANILA, Philippines – Nasilat ng security forces ang pambobomba ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kasunod ng pagkakarekober sa itinanim ng mga itong bomba sa harapan ng isang paaralan sa Lamitan City, Basilan kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Army’s 104th Infantry Brigade, bandang alas- 4 ng hapon ng marekober ng pinagsanib na Explosives and Ordinance Division (EOD) ng 14th Scout Ranger Company, 3rd Scout Ranger Battalion (SRB) at ng Lamitan City Police ang bomba na itinanim sa harapan ng Parang Basak National High School ang bomba sa Brgy. Sabong ng lungsod na ito .
Bago ito ay ilang kahinahinalang kalalakihan ang nakitang gumagala sa lugar at ilang saglit pa ay mabilis na tumakas matapos itanim ang kung anong bagay na natukoy na bomba.
Nang matanggap ang report ay mabilis na nagresponde sa lugar ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya kung saan narekover ang isang uri ng Improvised Explosive Device (IED.
Natukoy naman na ang grupo ni Erik Ajibon, sub-Commander ng Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng tangkang pagpapasabog.
Agad namang nai-detonate ang nasabing bomba bago pa man ito sumabog at makapinsala partikular na sa mga estudyante at mga guro sa nasabing eskuwelahan.
Lumalabas naman sa pagsisiyasat ng EOD team na ang na-detonate na bomba ay binubuo ng ng Shellane tank, mortar ammunition, blasting cap, mga pako at ammonium nitrate.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.