MANILA, Philippines - Matapos ang 16 araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnaper na hinihinalang Muslim Lawless Group (MLG) ang dinukot ng mga itong inhinyero, misis nito at isa pang biktima sa hangganan ng dalawang bayan ng Lanao del Sur nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Captain Franco Salvador Suelto, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division (ID) ang mga pinalayang bihag na sina Engineer Francisco Enot, misis nitong si Loida Enot at Danilo Bariga.
Ang mga ito ay pinawalan ng mga kidnappers kay Hadja Johairah Macabuat, isang negosyante sa Maguing, Lanao del Sur.
Sinabi ng opisyal na bandang ala-1:30 ng madaling araw nang palayain ng mga kidnapper ang mga bihag sa bisinidad ng hangganan ng bayan ng Madalum at Bacolod Kalawi; pawang sa lalawigang ito sa baybayin ng Lake Lanao.
Agad namang isinailalim sa medical checkup ang mga pinawalang bihag na itinurn-over sa Army’s 51st Infantry Battalion bago dinala sa Provincial Capitol Guest House habang naghihintay sa kanilang pamilya.
Magugunita na ang mga biktima ay dinukot ng limang mga armadong kalalakihan sa Brgy. Paraaba, Ganassi, Lanao del Sur noong Agosto 15 bandang alas-5 ng hapon.