MANILA, Philippines - Nabulabog ang University of the Philippines (UP) sa Baguio City matapos kumalat ang bomb threat kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Baguio City PNP, bandang alas-8:55 ng umaga nang makatanggap ng text message mula sa hindi nagpakilalang texter si UP Vice Chancellor for Academic Affairs Wilfredo Arangui kaugnay sa nakatanim na bomba sa isang gusali sa loob ng campus ng UP –Baguio.
Bunga ng insidente ay nagpanik ang mga estudyante, mga professor, kawani at opisyal ng unibersidad na nag-unahan palabas sa gate ng unibersidad.
Dahil dito ay sinuspinde naman ng pangasiwaan ng UP-Baguio ang klase sa nasabing unibersidad.
Nang matanggap ang report ay agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Explosives and Ordnance Unit ng Baguio City PNP bitbit ang mga K-9 dogs na agad ikinordon ang lugar habang hinahanap ang bomba na malapit na umanong sumabog.
Gayon pa man, matapos ang ilang oras na paghahalughog sa nasabing unibersidad ay wala namang natagpuang bomba.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng pulisya upang matukoy ang nasa likod ng pananakot sa nasabing unibersidad na nagdulot ng pagkakasuspinde ng klase kung saan lumikha rin ng malaking abala partikular na sa mga estudyante.