MANILA, Philippines – Nahulog sa kamay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kagawad ng lalawigan ng Cavite matapos mahulihan ng ilegal na droga.
Nakilala ang suspek na si Juanito Maliksi, 43, kagawad ng Barangay Zapote IV, Bacoor City, Cavite.
Nasakote si Maliksi sa isang entrapment operation ng PDEA Regional Office 4-A sa kalye ng Real noong Agosto 23.
Dalawang pakete ng shabu ang nakumpiska sa suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o Ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.