CEBU CITY, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang tatlong opisyal ng pulisya na kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon dahil sa paggamit ng impounded vehicle na inabandona ng mga kriminal sa Cebu City, Cebu, ayon sa ulat.
Ipinag-utos na ni Cebu City PNP director Noli Romana sa Investigation and Detection Management Branch na masusing imbestigahan ang mga dating hepe ng Theft and Robbery Section sa Cebu City PNP Office na sina P/Chief Inspector Noli Cernio, P/Senior Inspector William Alicaba, at si P/Senior Inspector Elisandro Quijano na mga inakusahang gumagamit ng impounded Mitsubishi Lancer for personal purposes.
Nabatid na si Cernio ay kasalukuyang hepe ng Punta Princesa Police Station habang si Alicaba naman ay deputy commander ng Station 2 at si Quijano naman ay hepe ng Homicide Section na inaming ginamit nila ang nasabing impounded vehicle sa police operations subalit pinabulaanan naman nila ang akusasyong ginagamit ang nasabing kotse para sa pansariling pakay.
Ayon kay Alicaba, ang nasabing kotse (7C 1900) ay narekober noong Hunyo 2013 matapos abandonahin at sinasabing hindi nakarehistro sa LTO.
Maging si Quijano ay ginamit din ang nasabing kotse matapos humingi ng permiso kay Alicaba.
Gayon pa man, naging hepe ng Homicide Section si Quijano kaya ibinalik nito ang kotse kay Cernio na pumalit bilang hepe ng TRS.
Ayon sa ulat, hindi naibalik ang nasabing kotse sa bagong hepe ng TRS bagkus ay dinala ni Cernio sa bagong puwesto at kamakalawa lamang ibinalik nito ang nasabing kotse sa impounding area matapos ipagawa.
Sa pahayag ni Romana na mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal ng pulisya ang paggamit ng impounded vehicle na ang kapalit nito ay ang kanilang tungkulin bilang kaparusahan. Freeman News Service