TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nasarapan sa nilutong pulutan na sinasabing mapakla kaya ginilitan at pinagpapalo hanggang sa mapatay ng kanyang tatlong kainuman ang 50-anyos na cook sa bodega ng mais sa Barangay Siempre Viva Sur, bayan ng Mallig, Isabela kamakalawa. ?
Sa police report na nakarating kay Isabela PNP Director P/Senior Supt. Sotero Ramos Jr., kinilala ang napatay na si Armand Hernandez habang naaresto sa follow up operations ang mga suspek na sina Jun Morales, Zaldy Agustin, at si Arnel Calma na pawang pahinante sa Abalos Grains Buying station sa nasabing lugar.?
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na kinompronta ng mga suspek ang biktimang kainuman na apat na araw pa lang sa trabaho dahil sa niluto nitong pulutan na kulang sa rekado.?
Ayon sa saksi sa krimen, ginilitan ni Agustin ang biktima habang hawak ni Morales ang mga kamay.?
Tinuluyan naman ni Calma na utasin ang biktima sa pamamagitan ng pagpalo ng dos-por-dos sa ulo nito habang nangingisay.