MANILA, Philippines - Napaslang ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at anak nitong barangay chairman matapos na tambangan ng mga armadong kalalakihan na rumesbak sa umiinit na clan war ng kanilang mga pamilya sa Barangay Tugal, bayan ng Sultan Baruwis, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mag-ama na sina Batukamad Mohamad alyas Commander Batuh ng MILF 106th Base Command at Chairman Sadam Abu Mohamad ng Barangay Tugal.
Samantala, kinilala naman ang nasa likod ng pananambang ay ang grupo ni Kagi Sajid, alyas Commander Saya, isa ring commander ng MILF National Guard ng 104th Base Command.
Sa ulat ni Maguindanao PNP director P/Senior Supt. Rodelio Joson, natukoy ang mga suspek base sa pahayag ng mga testigo sa krimen.
Naganap ang pananambang noong Miyerkules ng tanghali habang pauwi na ang mag-ama.
Sa panig naman ni Col. Dickson Hermoso, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division na nagpadala na ng peacekeeping team ang militar upang mamagitan at mapigilan ang karahasan sa pagitan ng magkalabang angkan.