MANILA, Philippines – Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf ang nasakote ng mga awtoridad kagabi sa magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.
Nakilala ang nadakip na rebelde na si Nur Hassan, na itinuturong sub-leader sa Lamitan siege sa lalawigan ng Basilan at nasa likod ng magkakasunod na kidnapping.
Nadakip din si Jemhar Halillula Alih na kilala rin sa pangalang Memay Alih, Ustadz Haepa at Ustadz Wahid.
Nakorner ng pinagsamang puwersa ng Task Force Zamboanga (TFZ), intelligence unit ng militar, at ng puwersa ng pulisya si Hassan sa loob ng Philippine Ports Authority ganap na 6:10 kagabi.
Sinugod naman ng mga awtoridad ang safe house na pinagtataguan ni Alih sa barangay Taluksangay sa Zamboanga City bandang 11:15 ng gabi.
“The suspects have pending 12 cases of kidnapping with serious illegal detention with ransom based on the warrant of arrest issued by the local courts of Isabela City,” wika ni Col. Andrelino Colina, hepe ng anti-terror unit ng TFZ.