MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang isang sundalo ng Philippine Army ang nasugatan matapos na sumabog ang homemade bomb na itinanim sa nakaparadang jeep sa plaza ng Cotabato City, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Rolen Balquin, Cotabato City PNP director ang mga sugatang sina Private Dondon Asuncion Bambao, 23, ng Army’s 5th Special Forces Battalion; Lumbay Selbando, Baingan Ango, 45; Mambai Datumanong, 33; at si Abdulrakman Utto, 22, pawang market vendors kung saan isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center.
Sa pahayag ni Balquin, ang bomba ay ikinabit sa Wrangler Jeep (MCF 443) ni Prof. Ismael Abdullah na ipinarada sa harapan ng RSY Pawnshop sa Makakua Street, Pobalcion 5.
Nabatid na kabababa lamang ni Abdula sa Wrangler jeep nang sumabog ang bomba na ikinasugat ng nagpapatrulyang sundalo at ng mga vendor na nagtitinda sa plaza.
Inihayag ng opisyal na ang bomba ay gawa sa sedik rocket propelled grenade kung saan isinailalim naman sa pagtatanong ng pulisya si Abdullah na sinasabing konektado sa Sajehatra Peace Force at dating guro sa Mindanao State University pero pinakawalan din makalipas ng ilang oras.
Inaalam kung may kinalaman ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa naganap na pagpapasabog.