BULACAN, Philippines – Anim na estudyante ng Bulacan State University ang namatay sa pagkalunod habang isa pa ang pinaghahanap matapos anurin ng flashflood habang tumatawid sa Balaong River sa Barangay Sibul, bayan ng San Miguel noong Martes ng hapon.
Kabilang sa namatay ay sina Helena Marie Marcelo, 16, ng Barangay Longos, Malolos City; Mickel Alcantara, 16, ng Barangay Buguion, Calumpit; Sean Rodney Alejo, 15, ng Barangay Paliwas, Obando; Michelle Ann Rose Bonzo, 16, ng Barangay Mojon, Malolos City; at si Janet Rivera, 16, ng Barangay Gatbuka, Calumpit ay narekober ang katawan kahapon ng umaga habang ang katawan naman ni Mary Magdalene Navarro, 17, ng Barangay San Sebastian, Hagonoy ay narekober makalipas ang apat na oras, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.
Pinaghahanap pa rin si Maiko Eleva Bartolome, 25, ng Barangay Bulihan, Malolos City, isang image model at may anak na 5-anyos na babae.
Samantala, sugatang nakaligtas sa trahedya sina Althea Hernandez ng Barangay Longos, Malolos City; at Mary Danielle Cunanan ng Barangay Mojon, Malolos City.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, aabot sa 181 estudyante na pawang 1st year college na kumukuha ng BS Tourism sa Bulacan State University ang nag- field trip sa makasaysayang Biak na Bato National Park sa Madlum Cave sa nasabing bayan.
Ang Madlum Cave ay isa sa mga itinuturing na UNESCO World Heritage Site at isang popular na destinasyon ng mga turista sa Bulacan.
Gayon pa man, bandang alas-3 ng hapon habang tumatawid sa nasabing ilog ang mga estudyante patungo sa Madlum Cave ng rumagasa ang tubig mula sa kabundukan kung saan tinangay ang mga biktima.
Dahil sa trahedya, nagdeklara ang nasabing unibersidad ng “Day of Mourning” kahapon na tinampukan ng magkasunod na prayer vigil.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Dr. Mariano De Jesus na kanselahin ang mga nakaplano pang field trip at team building activities ng mga estudyante sa nabanggit na pamantasan.
Ayon kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson na pansamantalang ipagbabawal ang pagtanggap ng turista sa Madlum Caves sa Barangay Sibul matapos maganap ang trahedya na inihalintulad noong 2004 kung saan walong bakasyunista mula sa Malabon City ang namatay.