Chief mechanic dinukot ng Abu
MANILA, Philippines - Dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang 39-anyos na chief mechanic habang pinagbabaril at napatay naman ang assistant nito matapos tangkaing tumakas sa panibagong paghahasik ng karahasan sa bayan ng Patikul, Sulu.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Abraham Orbita, director ng Sulu PNP office, kinilala ang dinukot na chief mechanic na si Ronald Pelegrin habang napaslang naman ang assistant na si Dante Avilla, 29.
Ayon sa opisyal, ni-raid ng mga bandido ang motorpool ng compound ng provincial government noong Sabado ng gabi habang wala namang nagawa ang mga kawani sa matinding takot.
Agad na sinunggaban ng mga bandido sina Pelegrin at Avilla kung saan ay nagsitakas ang mga ito matapos butasin ang bakod ng nasabing compound.
Gayon pa man, tinangkang tumakas ni Avilla kaya pinagbabaril ng mga nairitang kidnaper habang nagawa namang matangay si Pelegrin patungo sa direksyon ng kagubatan.
Samantala, humingi na ng P15 milyong ransom ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan ni Pelegrin habang patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad.
- Latest