CABANATUAN CITY, Philippines – Nag-alok ng pabuyang P1-milyon ang gobernador ng Nueva Ecija sa ikadarakip sa dalawang killer ng warden ng provincial jail na inambus at napatay noong Miyerkules ng gabi habang pauwi sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Mayapyap Sur, ng lungsod na ito.
Sa kanyang talumpati sa ika-113 anibersaryo ng Nueva Ecija Police, kinondena ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali ang ginawang pag-atake sa napaslang na jail warden na si Enrico Campos, 55, ng Brgy. Magsaysay Sur sa naturang siyudad.
Ang kapulisan ay kailangan umanong tumayo at harapin ang hamon ng pagresolba sa naturang pamamaslang at dito inanunsyo ng gobernador ang P1-M na pabuya sa mga killer ng warden.
Ayon sa ilang report, itinumba umano si Campos dahil sa paglaban umano nito sa ilegal na droga sa kulungan.