2 matanda natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Dalawang matanda ang nasawi makaraang makulong ng apoy sa nasusunog nilang tahanan sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng North Cotabato at Abra, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12, bandang alas-8 ng gabi nitong Biyernes ng tupukin ng apoy ang tahanan ng matandang biyudang si Victoria Varona, 86-anyos sa Brgy. Lumanay, President Roxas, North Cotabato.

Nabatid na nag-iisa ang matanda ng masunog ang ka­nilang  tahanan matapos na umalis ang anak nitong si Ricky Varona, 43, na nagtungo sa kanugnog na barangay.

Ayon sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang matanda ng mangyari ang insidente na siya nitong ikinamatay.

Sa isa pang insidente, nalitson rin ng buhay ang 92 anyos na lolong si Gabriel Balubar matapos na makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nitong bahay sa Brgy. Sinampagan Zone 6, Bangued, Abra kamakalawa ng umaga.

Sa salaysay ng mga kapitbahay ng matanda narinig pa nila ang panaghoy nito habang nilalamon ng apoy ang kaniyang tahanan.  Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng dalawang insidente ng sunog. Joy Cantos/ Raymund Catindig

 

Show comments