Call center agent kinalasan ng gf, tumalon sa gusali, patay
MANILA, Philippines - Dahilan umano sa kabiguan sa pag-ibig matapos na kalasan ng girlfriend, nag-suicide ang isang 25-anyos na call center agent makaraan itong tumalon sa ika-12 palapag ng isang gusali sa Cebu City bago maghatinggabi kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Ernie Antigua Jr., residente ng Ouano Street, Brgy. Looc, Mandaue City, Cebu.
Ang bangkay ng biktima na halos nabasag ang bungo at nalasog ang katawan ay narekober sa ibaba ng IT2 Building sa IT Park ng lungsod ng mga nagrespondeng operatiba ng Cebu City Police.
Sa ulat ng tanggapan ni Cebu City Police Chief P/Sr. Supt. Noli Romana, naganap ang insidente pasado alas-11 ng gabi sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay nakita pang umakyat sa roof deck ng nasabing gusali at laking gulat ng mga staff dito nang bigla na lamang itong tumalon.
Isang suicide note rin ang ibinigay sa pulisya ni Roxanne Antigua, kapatid ni Ernie, na nagpapatunay na problema sa pag-ibig ang sanhi ng pagpapakamatay ng biktima matapos na makipagkalas rito ang kaniyang girlfriend.
“Iniwan niya ako ng walang dahilan at natuklasan ko na mayroon na pala siyang ibang minamahal”, anang suicide note ng biktima.
“Well to all my friends and family, thank you for all the support and guidance, I’m so sorry if I fail you guys for just a girl... Well thank you for all the support and everything. To my papa and mama, sorry if I fail you because of just one girl..., hindi man siya ang babaeng nararapat sa akin, sobra ko siyang mahal at hindi ko matatanggap kung iiwan niya ako,” ayon pa sa suicide note ni Antigua.
- Latest