MANILA, Philippines - Nasagip ng rescue team ang pitong tripulanteng Tsino mula sa nasunog at lumubog na bangkang pangisda sa bahagi ng karagatang may ilang milya ang layo sa Mapun Island, Tawi-Tawi kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-ARMM, dakong alas-7 ng umaga nang mailigtas ng Philippine Coast Guard na lulan ng F/B King and Queen sa pangunguna ni Captain Cipriano Enoy ang mga dayuhang mangingisda.
Nabatid na sumiklab ang sunog sa bahagi ng bangkang pangisda ng mga Tsino kaya nagkabutas hanggang sa pasukin ng tubig at tuluyang lumubog.
Nagkataong napagawi sa lugar ang mga nagpapatrulyang rescue team ng Coast Guard kaya nasagip ang mga dayuhan na kasalukuyang nasa Puerto Princesa City sa Palawan para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, nabigo namang makuha ang pangalan ng mga dayuhang mangingisda dahil hindi marunong magsalita ng English at kailangan pa ng interpreter.