MANILA, Philippines - Bulagta ang isang Army Lieutenant ng Peace and Development Team (PDT) matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army habang nagsasagawa ng proyekto sa Barangay Gupitan, bayan ng Kapalong, Davao del Norte kahapon ng umaga. Pansamantalang hindi muna tinukoy ang pangalan ng batang opisyal dahil kailangan pang impormahan ang pamilya nito.
Ayon kay Captain Ernest Carolina, spokesman ng Army’s 10th Infantry Division, abala ang pangkat ng Bravo Company ng Army’s 60th Infantry Battalion sa isinasagawang proyekto bilang bahagi ng Bayanihan sa pangunguna ng tinyente nang puntiryahin ng pamamaril ng mga rebelde.
Hindi naman nakaganti ng putok ang mga sundalo matapos na pumuwesto ang mga rebelde sa eskuwelahan at kalapit na simbahan.
Iginiit ng opisyal na hindi nais ng tropa ng militar na magkaroon ng collateral damage lalo na ang mga inosenteng batang estudyante sa nasabing eskuwelahan.