Camarines Norte, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang apat pa ang nasugatan sa magkakahiwalay na sakuna na kinasasangkutan ng isang red plate (government vehicle) sa lalawigan ng Camarines Sur kamakalawa.
Sa bayan ng Baao, dead-on-the-spot ang driver ng pedicab na si Renato Breboenria, 47-anyos may asawa at residente ng Brgy. La Medalla, Baao makaraang magbanggaan ang humahagibis na kulay itim na Nissan Patrol SGM 653 (red plate) na pag-aari ng probinsya ng Leyte na minamaneho ni Darwin Kenneth Pesca, 36-anyos, may asawa at residente naman ng Novaliches, Quezon City.
Sugatan naman ang tatlong pasaherong sakay nito na sina Peter Joseph Badong 29 anyos, Albert Rivera, 42 binata; pawang residente ng Brgy La Medalla at Jefferson Panlilio, 28 anyos na kasalukuyang ginagamot sa Rinconda Medical Center sa bayan ng Nabua, Camarines Sur.
Tinangka pa ng suspek na tumakas subalit agad namang nasakote ng mga awtoridad sa bahagi ng Brgy Agdangan, Baao, Camarines Sur.
Sa isa pang insidente sa bayan ng Milaor, patay din ang isang 25-anyos na binata makaraang aksidenteng bumangga ang wonder bike nito sa kawayang bakod. Sa bilis ng takbo ng kanyang red sunriser wonderbike at sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon pa ang biktimang si Zaldy Absalon ng Brgy Tariric, Minalabac, Camarines Sur at tumama pa ang ulo sa batuhan dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang ang pinsan nito na kaniyang backrider na si Bryan Absalon, 25-anyos ay sugatang isinugod sa Bicol Medical Center.