MANILA, Philippines - Apat na sunog ang naitala sa Cebu, isa rito ay kumitil ng buhay ng isang 85 anyos na lolo sa bayan ng Sibonga ng lalawigan kamakalawa.
Sa ulat ng Cebu Fire Marshal, dakong alas-10 ng gabi kamakalawa ng maganap ang sunog sa Brgy. Candaguit, Sibonga.
Sa nasabing insidente ay na-trap sa sunog ang matandang kinilalang si Willington Lopez Sr., na natusta ang katawan sa tahanan nito sa nasabing lugar.
Pinaniniwalaan namang isang napabayaang kandila sa loob ng tahanan ng matanda ang pinagmulan ng sunog habang mahimbing itong natutulog.
Samantalang bukod dito ay naitala rin ang sunog bandang alas-12 ng tanghali nitong Biyernes sa Brgy. Looc, Mandaue City. Isa ring sunog ang naganap sa Brgy. Tisa bandang ala-1 ng hapon na nasundan dakong alas-4 ng hapon sa Brgy. San Roque; pawang sa lungsod ng Cebu.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na mga sunog at inaalam rin ang kabuuang halaga ng napinsalang mga ari-arian.