MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang suntukan ng isang 13-anyos na batang lalaki at 14-taong gulang nitong kalaro matapos na ma-knockout ang una na dumaing ng paninikip ng paghinga sa Brgy. Mambaling, Cebu City kamakalawa ng hapon.
Idineklarang dead-on-arrival sa Cebu City Medical Center ang biktimang kinilalang si Hector Vergara, residente sa lugar habang itinago naman sa pangalang Rex ang nakatatanda nitong kalaro.
Sa ulat ng Cebu Police, naganap ang insidente sa nasabing lugar dakong alas-4 ng hapon matapos na buyuhin ng kanilang mga kalaro ang dalawang binatilyo na matira ang matibay sa suntukan.
Ayon sa imbestigasyon, habang nagsusuntukan ang dalawang binatilyo ay tinamaan sa dibdib at tiyan ang biktima bunsod upang magsikip ang paghinga nito na bumagsak sa insidente.
Samantala, wala naman ni isa sa kanilang mga kalaro ang umawat sa pagsusuntukan ng dalawang binatilyo dahil katuwaan lamang umano ito ng naturang mga kabataan na nagpupustahan pa.
Dahil nasaktan ay umayaw na umano sa suntukan ang 13-anyos na nagawa pang maglakad patungo sa isang sari-sari store pero bigla itong hinimatay at aksidenteng tumama ang ulo sa cooler na bagaman naisugod pa sa pagamutan ay hindi na naisalba ang buhay.
Itinurn-over na sa lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 14-anyos na suspek bunga na rin ng pagiging menor-de-edad nito. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.