MANILA, Philippines - Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 36-anyos na babae na sinasabing may nervous breakdown matapos itong lumundag mula sa may 20 talampakang taas na Marcelo Fernan Bridge sa Cebu noong Huwebes ng hapon. Sa ulat ng Mandaue City PNP, kinilala ang biktima na si Angeline Dimpas, dalaga, at nakatira sa Zone Sibuyas, Barangay Paknaan sa nabanggit na lungsod. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-2 ng hapon ng maganap ang suicide sa nasabing tulay na nag-uugnay sa mga lungsod ng Mandaue at Lapu-Lapu. Nabatid na may nakasaksing lalaki na nakatayo sa bisinidad ng Mandaue Bridge Park sa Barangay Umapad kung saan umakyat ang biktima sa nasabing tulay bago lumundag. Rumesponde naman ang Emergency Rescue Unit Foundation at naiahon si Dimpas na nakasuot na lamang ng pantalon pero idineklara na itong patay sa Mandaue City District Hospital. Tanging ang pagbagsak sa tubig ang nakunan ng CCTV footage sa pagtalon ni Dimpas dahil masyadong mataas ang bahagi na inakyat nito. Sa pahayag ng pamilya ng biktima, may nervous breakdown umano ito at hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka nitong mag-suicide.