MANILA, Philippines - Pito-katao ang iniulat na napatay makaraang sumiklab ang madugong magbakbakan ng dalawang magkalabang angkan sa Lower Cabengbeng, bayan ng Sumisip, Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Philippine Army, tinukoy na ang grupo nina Abubakar Palaman at Jabbar Sandiki ang sangkot sa clan war.
Nabatid na muling nagsagupa ang magkalabang angkan kung saan apat mula sa grupo ni Palaman at tatlo naman mula sa angkan ng mga Sandiki ang napatay.
Ang angkan ng mga Palaman at Sandiki ay sinasabing matagal nang sangkot sa rido sa nasabing lugar kung saan sa tuwing magkakasalubong ay lumilikha ng kaguluhan.
Nasa 1,050 pamilya naman mula sa mga Barangay Upper Cabling, Sapa Bulak, Languyan, Mebak at sa Barangay Etub-Etub ang nagsilikas sa takot na madamay sa clan war.
Sa kasalukuyan, pumagitna na ang tropa ng Joint Task Force Basilan upang mapigilan ang posible pang pagdanak ng dugo.